Saturday, May 30, 2009

Sulat kay Lola

Lola, miss na kita.

Nasaan na po kayo ngayon? Mabuti po ba ang kalagayan niyo jan? Sana naman po.

Alam niyo ba lola, pag may nakikita 'kong matanda, lagi ko po kayong naaalala. Naaalala ko po yung tawa niyo, yung iyak niyo, yung pagsesermon niyo at saka po yung mga kanta niyo. Naaalala ko po kayo.

Hindi ko naman po maiwasang maging malungkot, kasi po nawala na yung lola kong nagmamahal sa akin. Sa totoo lang po, hindi ko pa po tanggap na wala na kayo. Iniisip ko na lang po minsan na nasa probinsiya lang kayo at nagpapahinga at kapag umuwi po ako dun, masisilayan ko kayo. Umaasa pa din po ako na muli niyo kong mayayakap at mangingitian.

Kailan po kaya ulit mangyayari yun? Alam niyo po nung pumanaw kayo, gusto ko na din pong mawala, gusto ko na pong sumama sa inyo. Hindi ko po maintindahan yung nararamdaman ko nung araw na yun. Masakit po sa kalooban na makita ang inyong dating masiglang katawan na matigas at malamig na. Parang isang masamang panaginip lang po lahat yun. Pero habang lumilipas po yung panahon, lalo pong masakit at mahirap tanggapin ang nangyari. Hindi ko po matanggap, kasi mahal na mahal ko po kayo eh.

Mahal na mahal ko po kayo. Malaki po yung pagsisisi ko nung panahon na nabubuhay pa kayo. Nanghihinayang po ako sa mga panahon na nasayang ko. Sana po pala sinulit ko lahat. Sana po pala inalagaan ko po kayo ng lubos-lubos. Sana po pala nagpakwento pa 'ko sa inyo ng walang katapusan. Sana po, kung alam ko lang na mawawala na kayo, sana po kahit man lang sa huling pagkakataon, nayakap ko kayo ng mahigpit na mahigpit at nasabihang mahal na mahal ko kayo.

Madalas po, gusto kong magparamdam kayo sa akin. Gusto ko pong maramdaman ulit ang haplos ng inyong mga kamay, gusto ko pong maramdaman ang inyong makinis at malambot na balat, gusto ko pong maramdaman na nandito pa kayo, gusto ko po magkasama tayo.

Sa tuwing namimiss ko po kayo, pinapanuod ko po yung libing niyo. Lagi pong maga yung mata ko pagkatapos manuod, hindi ko po mapigilan yung luha eh. Minsan po, bigla na lang akong natutulala... iniisip ko po kung nasaan na kayo o kung ano po ginagawa niyo o kung kilala niyo pa po kami. Wala naman po akong makuhang sagot, hindi ko po alam kung anung iisipin eh.

Simula po nung lumisan kayo, nawalan na po ako ng ganang umuwi pa sa probinsya. Hindi ko na po kayo makikita muli, malulungkot lang po ako. Wala na po akong pagmamanuhan, wala na po akong bibigyan ng pasalubong na ube flavor na ice cream.

Lola, kung nasaan ka man ngayon, sana masaya ka. Gusto ko lang po sabihin sa inyo ang mga hindi ko nasabi nung pumanaw kayo. Mahal na mahal ko po kayo. At miss na miss ko na po kayo. 'Di bale 'la, balang araw, makikita ko din kayo, mayayakap ko din po kayo at makakakwentuhan muli. Pero sa ngayon, gagawin ko kayong inspirasyon habang naglalakad ako patungo sa kinaroroonan niyo.

Palagi po kayong nasa puso ko, at hinding hindi mawawala. Salamat nga pala sa lahat ng kabutihan 'la, slamat po sa mga ala-ala.

Paano po ba yan? Hanggang dito na lang po muna. Mag-iingat po kayo ah? At ikamusta niyo na din po ako kay Lolo Joe.

Paalam Lola, mahal ko po kayo!

Ang inyong apo,
Nica.

Wednesday, May 27, 2009

Karanasan sa Pulitika

Bakit ganon? Halos lahat ng mga lider dito sa bansa corrupt. Dito natin makikita ang pagiging makasarili ng mga Pilipino.

Iniisip nga nila yung mga kababayan natin na mahirap pa sa daga, pero di naman sila gumagawa ng paraan para matulungan ang mga ito. Oo, naaawa nga sila pero pinapanood lang nila habang nagpapakasawa sila sa pera.

Kapag botohan, kanya kanyang gimik ang mga kandidato. May 'nagpapamigay' ahem! 'nakikipagpalit' pala ang tamang salita. May nakikipagpalitan ng mga groceries para sa isang boto. Isang supot ito na may laman ng dalawang latang pinakamurang sardinas, yung noodles na nakarepack at konting bigas. Mabiling-mabili ito sa mga kababayan nating mga mahihirap. At yung mahihirap na yun, kadalasan hindi nakapag-aral kaya mahina ang kita, ang kadalasang trabaho nila metro-aid. At masuwerte na sila kung nakakakain sila ng dalawang beses maghapon. Kaya pag botohan, di na nila iniisip kung ang iboboto ba nila eh may pakinabangan o isa na namang nagpapayaman. Di na sumasagi sa isip nila yun, may mga de-lata kasi eh. Ok nang pang-tawid ng gutom para sa isang araw.

Sa bansa, halos 60% ang mahihirap. At halos patabain sa pera ang mga nananalo. Di ko naman sinasabi na lahat ng lider natin eh corrupt... 'halos' ang salita. Di ko din naman sinasabi na lahat ng mahihirap eh nakukuha sa mga groceries na pamalit para sa boto, may ibang tumatayo sa paninindigan. Yun nga lang... mga 5% lang ito ng mga mamamayan.

Alam ko ito dahil dalawang beses na kumandidato si daddy sa probinsiya. Oppsss. Hindi siya corrupt at lalong hindi siya madaya.

Una, lumaban siya ng vice mayor, nanalo. Grabe. Araw-araw parang fiesta sa bahay. Madaming tao. At alam mo kung anong ginagawa nila? karamihan humihingi ng pera, pambayad daw sa kuryente, pambayad sa tubig, pangpagamot,etc. At siyempre, binibigyan naman yun ni daddy kasi nga kumakandidato eh. Kaya lang ang nagiging resulta, balik sila ng balik sa bahay para manghingi ulit at may kasama pang iba! Tatlo kusinero namin, may sekretarya at mga limang kasambahay. Isang truck na manok ang niluluto dun araw-araw. Kasi kailangan pakainin yung mga tao para maramdam naman nila na welcome sila.

Tita ko yung sekretarya, pagka-alis nila daddy, siya naman ang hinihingan ng mga nakapilang tao. Katulong ako ng tita ko. Gamot yung assignment ko, tigalagay ng gamot sa parang maliit na envelope tapos ibibigay sa nanghihingi. Bawal sumimangot. Sasabihan kang suplada. Dapat maayos ka din tingnan, kung hindi, sasabihan ka ng pangit. Masarap yung feeling ng nakakatulong... parang napakabuti kong tao pag pinasasalamatan ako ng mga tao dahil sa kaunting gamot na binigay ko sa kanila.

Bawal kaming lumabas na magkakapatid sa bahay, kung lalabas, kailangan may kasamang kasambahay. Pero alam niyo naman, kapag bata pasaway. Hahaha:) tumatakas ako sa bahay,.. Walang nakakapansin kasi busy sila lahat eh. Sinasama ko yung pinsan kong lalaki na kasing edad ko... sa likod ng bahay nila may sapa, dun kami lagi pumupunta. Enjoy kaso ako sa tubig eh. Nilulusob ko yun tapos kumukuha kami ng suso. Kaya lang hindi din tumatagal yung masasayang moments kasi makikita mo na si manang, namumula dahil nasunog na sa araw, inikot na pala buong barrio, sigaw ng sigaw, hinahanap pala ako... kaya ayun, bahay din ang bagsak ko with matching sermon.

Nakasalimuha ko na din yung malolokong tauhan ni daddy. Hinihingan ako ng tsokolate kasi daw iaalay daw niya sa puno, may malaking tao dun na may malaking sigarilyo. Kaya ako, bigay ng bigay. Yun pala, binibigay niya dun sa anak niya! Hay, kainis!

Pagkatapos ng tatlong taong pagkaupo bilang Vice Mayor ni daddy... lumaban siya ng Mayor, natalo eh. Yun yung isang matinding lagapak sa buhay ko na hindi ko makakalimutan. Lahat ng kasamahan niya nung nasa pulitika siya, lahat sila... bigla na lang naglaho ng paang bula. Parang hindi ka na kilala. Yung mga suki namin sa bahay na puro hingi, di naman siya binoto. Parang tinalikudan kami ng panahon. Ubos lahat. Yung perang milyong-milyon, simot! puro utang yung naiwan. At eto pa isang masakit, yung mga kapatid niya na naghikayat sa kanyang lumaban sa pulitika, iniwan din siya sa ere... di din siya binoto. Take note! Kpatid yun ah??? Anung klaseng mga tao yun?

Ito yung pinakamatindi sa larangan ng pulitika,. Madami kaming death threats na narerecieve. Pero binabalewala lang namin, panakot lang kasi eh. Nung December 25 ng gabi, Christmas yun ah... may nagsend ng message na magi-ngat daw kami blah blah. Pinagtawanan lang nila daddy yun. Eto na, nung 26 ng madaling araw, mga 3 a.m. may biglang naghagis ng granada sa bahay namin. Nagising silang lahat (ako lang ang hindi,,, heavy sleeper ako nung bata ako eh) akala nga nila baril yun. Basta mahabang kwento pa yan... Nung nagising ako sa umaga, puro pulis na yung nasa harap, as usual, madaming tao, nandun yung lolo't lola ko. Ininterview pa nga si daddy sa radyo eh. Wala namang nasaktan, pero yung mga bala ng granada tumama sa mga sasakyan, sa gate, sa bintana at nagkalat sa bakuran. Nalaman ko na yung halaman pala sa harap yung nagsave sa amin, kasi kung wala yun, papasok sa bahay yung bala ng granada. After four days, namatay na yung lolo ko.

Madami pa kong karanasan na pilit kong iniintindi kaya lang hanggang ngayon hindi ko maintindihan.

Sabi nga nila, kapag tinalikuran ka ng tadhana, talikuran mo din ito.

Heto kami ngayon, kasalukuyang nagrerecover. Siyempre tuloy pa din ang takbo ng buhay, ano ba naman yang mga karanasan na yan... pangpalakas lang yan ng loob! Alam kong madami pang pagdadaanan ang pamilya namin. Madaming pang darating na bagyo na mas matindi at mas masakit. Kakayanin namin 'yan... kasi nanjan naman si God eh. Siya lang ang kahit kelan na hindi nang-iwan kay daddy, at sa amin. At alam kong hinding-hindi niya kami iiwan. Mahal kami nun eh.

Tuesday, May 26, 2009

Ang Pinoy, SImple Lang.

Mahirap man tayong mga Pilipino, madami naman tayong masasayang karanasan. Sa pag-ibig, pagkakaibigan, sa pagne-negosyo, sa trabaho, sa musika, sa pagkain at maraming pang iba.

Ang mga Pinoy, simple lang. Okay na sa atin yung may inihaw na isda at nilagang gulay sa hapag kainan, kahit walang pinggan, mas okay sa atin kung sa dahon tayo ng saging kakain! Dehins din yang kutsara't tinidor... kahit wala ang mga yan, mabubuhay tayong mga Pinoy... ano ang katapat? kamayan! O di ba? Sarap kumain noh? Mapa-umagahan man, tanghalian o hapunan. Lalo pa't pag sinamahan pa ito ng paborito nating palabas sa telebisyon, solve na solve!

Ang mga Pinoy, simple lang. Kahit brown-out, enjoy tayo. Takutan, taguan... mga laro pang minana natin sa mga ninuno natin nung hindi pa uso yung kuryente. Ang saya! O di naman kaya'y kukunin ang gitara, kakalabitin ng konti sabay kanta. Kahit hindi marunong, okay lang! Pinoy tayo eh.

Ang mga Pinoy, simple lang. Masaya na tayo kapag kasama natin yung mga mahal natin sa buhay. Kwentuhan magdamag, asaran, sabihan ng problema... kahit walang pera, ayos na ayos! Mas priority natin yung mga mahal natin sa buhay kesa pera.

Ang mga Pinoy, simple lang. Mayroon tayong tatlong libong kamag-anakan. Keso pangalawang pinsan, pangsampu, panglabing dalawa. Ate natin lahat ng babaeng mas nakakatanda sa atin, Kuya natin lahat ng lalaking mas ma-edad sa atin. Lolo't Lola lahat ng mga matatanda at tito't tita natin ang mga magulang ng ating mga kaibigan. O? ang sayang maging Pinoy di ba? Lahat kamaganak!


Ang Pinoy, simple lang. Sinehan? Okay na yung piniratang dvd sa quiapo, yung 15 in 1 na dvd, samahan pa ito ng tig-sampung pisong juice na tinitimpla at saka popcorn. Sa bahay na ang location! Pwede ka pang mahiga... O di ba? mas ayos to, mas kaunti ang gastos... madami ka pang mapapanood na movie, pampamilya pa!


Ang Pinoy, simple lang. Ayos na yung kumita ka ng sapat para sa buong araw na gastos, wag lang kakapos. Sapat na yung napagaaral mo yung anak mo, may maayos na trabaho at may buong pamilya. Basta't sama-sama! Pinoy tayo eh!

Ang Pinoy, simple lang. Mababait kaming tao. Kung bibisita ka sa bahay, asahan mong may ipapakain sayo. Kahit tig-pisong pandesal na nabibili sa kanto at kape, papakainin ka namin. Basta't nasa bahay ka ng pinoy, hindi ka magugutom.

Ang Pinoy, simple lang. Okay na yung cellphone na luma, yung mga unang labas. Kagaya ng 5110. Basta nakakatext. Kahit may rubber na nakapalupot jan, kahit papatay-patay basta napapakinabangan. Matipid tayo eh, ganun talaga kapag walang pera. Hahaha:)

haaayyy.... ang sarap maging pinoy!