Lola, miss na kita.
Nasaan na po kayo ngayon? Mabuti po ba ang kalagayan niyo jan? Sana naman po.
Alam niyo ba lola, pag may nakikita 'kong matanda, lagi ko po kayong naaalala. Naaalala ko po yung tawa niyo, yung iyak niyo, yung pagsesermon niyo at saka po yung mga kanta niyo. Naaalala ko po kayo.
Hindi ko naman po maiwasang maging malungkot, kasi po nawala na yung lola kong nagmamahal sa akin. Sa totoo lang po, hindi ko pa po tanggap na wala na kayo. Iniisip ko na lang po minsan na nasa probinsiya lang kayo at nagpapahinga at kapag umuwi po ako dun, masisilayan ko kayo. Umaasa pa din po ako na muli niyo kong mayayakap at mangingitian.
Kailan po kaya ulit mangyayari yun? Alam niyo po nung pumanaw kayo, gusto ko na din pong mawala, gusto ko na pong sumama sa inyo. Hindi ko po maintindahan yung nararamdaman ko nung araw na yun. Masakit po sa kalooban na makita ang inyong dating masiglang katawan na matigas at malamig na. Parang isang masamang panaginip lang po lahat yun. Pero habang lumilipas po yung panahon, lalo pong masakit at mahirap tanggapin ang nangyari. Hindi ko po matanggap, kasi mahal na mahal ko po kayo eh.
Mahal na mahal ko po kayo. Malaki po yung pagsisisi ko nung panahon na nabubuhay pa kayo. Nanghihinayang po ako sa mga panahon na nasayang ko. Sana po pala sinulit ko lahat. Sana po pala inalagaan ko po kayo ng lubos-lubos. Sana po pala nagpakwento pa 'ko sa inyo ng walang katapusan. Sana po, kung alam ko lang na mawawala na kayo, sana po kahit man lang sa huling pagkakataon, nayakap ko kayo ng mahigpit na mahigpit at nasabihang mahal na mahal ko kayo.
Madalas po, gusto kong magparamdam kayo sa akin. Gusto ko pong maramdaman ulit ang haplos ng inyong mga kamay, gusto ko pong maramdaman ang inyong makinis at malambot na balat, gusto ko pong maramdaman na nandito pa kayo, gusto ko po magkasama tayo.
Sa tuwing namimiss ko po kayo, pinapanuod ko po yung libing niyo. Lagi pong maga yung mata ko pagkatapos manuod, hindi ko po mapigilan yung luha eh. Minsan po, bigla na lang akong natutulala... iniisip ko po kung nasaan na kayo o kung ano po ginagawa niyo o kung kilala niyo pa po kami. Wala naman po akong makuhang sagot, hindi ko po alam kung anung iisipin eh.
Simula po nung lumisan kayo, nawalan na po ako ng ganang umuwi pa sa probinsya. Hindi ko na po kayo makikita muli, malulungkot lang po ako. Wala na po akong pagmamanuhan, wala na po akong bibigyan ng pasalubong na ube flavor na ice cream.
Lola, kung nasaan ka man ngayon, sana masaya ka. Gusto ko lang po sabihin sa inyo ang mga hindi ko nasabi nung pumanaw kayo. Mahal na mahal ko po kayo. At miss na miss ko na po kayo. 'Di bale 'la, balang araw, makikita ko din kayo, mayayakap ko din po kayo at makakakwentuhan muli. Pero sa ngayon, gagawin ko kayong inspirasyon habang naglalakad ako patungo sa kinaroroonan niyo.
Palagi po kayong nasa puso ko, at hinding hindi mawawala. Salamat nga pala sa lahat ng kabutihan 'la, slamat po sa mga ala-ala.
Paano po ba yan? Hanggang dito na lang po muna. Mag-iingat po kayo ah? At ikamusta niyo na din po ako kay Lolo Joe.
Paalam Lola, mahal ko po kayo!
Ang inyong apo,
Nica.
Saturday, May 30, 2009
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment